Wednesday, March 12, 2003

Kaibigan Pasindi Naman

"Nagbibilang ka na naman. Para saan ba yang countdown mo?" Tinanong kita nun pero ngumiti ka lang. Ni wala kang sinabi kahit ano. Pansin ko lang-- para atang lutang ka nitong mga nakaraang araw. Pero yun nga eh, di ka naman nagkukwento. Gustong-gusto kong malaman kung bakit. Pero naaalangan naman akong magtanong. Bakit? Sino ba ko sayo, di ba? Minsan dumating ka na mugto ang mga mata mo. Di ko alam kung ano yung sasabihin ko o may dapat ba akong sabihin. Nasasaktan din ako pag alam ko na nasasaktan ka. O sige, korni na kung korni pero totoo.

Di ka na tulad ng dati. Lam mo yun...yung palabiro. Palatawa. Easy-go-lucky. Optimistic. Secured. Ngayon, parang reserved ka na sa lahat ng bagay. Laging on-guard. Bumalik ka na naman sa yosi. Gusto kitang pigilan, pagbawalan. "Masama yan sa health," minsang muntik ko nang masabi sayo ng pabiro. Pero yun na nga, sino ba naman ako sayo para magbawal.Kaya ayun, napayosi na lang din ako. Dinamayan na lang kita. Eh pano, yun na lang ata yung magagawa ko. Isang sindi mo ng yosi, isang buga ko sa nauna ko pang stick. Di ko gusto yung
lasa, pero sige lang. Para kasing napapakwento ka habang umiiksi yung hawak-hawak mo. Kaya ako naman, hithit-buga na lang.

Anlaki pala ng problema mo. Di ganoon kasimple. Hindi nga nila maiintindihan kung di sila makikiyosi sa'yo. Hindi ko nga alam kung anong sasabihin ko sayo nung magkwento ka. Natakot ako. Baka magkamali ako ng payo. Kaya isa lang yung nasabi ko ---yung pinakatanga at pinakamababaw na atang payong narinig mo--- "Gusto mong bang umiyak? Lika dito..."

No comments: